May mga pagkakataon sa buhay natin na kahit gaano tayo kasaya sa propesyong napili natin (ang pagiging ina), makakaramdam pa rin tayo ng biglaang lungkot at pagod.
Yung bigla ka na lang matatahimik at matutulala.
Yung mapapaisip ka kung kaya mo pa ba.
Lahat naman siguro ng ina ay dinanas na to o dadanasin palang. Minsan, kahit gaano pa katibay ang suporta ng mga nakapaligid sayo, bigla mo nalang mararamdaman na parang ang "empty". Matatanong mo nalang sarili mo kung tama ba yung ginagawa mo.
Lalo na siguro sa mga single moms, o sa mga malalayo ang asawa na gaya ko. Maghihintay ka sa muling pagbabalik niya. Yung malungkot ka pero hindi mo siya makausap ng personal (iba pa rin kasi pag kasama mo). Hindi mo mayakap. Pero, laban at tiis lang para sa inyong pamilya. Magkakaiba lang talaga tayo ng sacrifices para sa pamilya.
Buti nalang talaga, nandyan ang mga anak natin. Sila yung nagpapalakas sa atin sa oras na napanghihinaan tayo ng loob. At aminin man natin sa hindi, sila rin ang kahinaan nating mga ina.
Ang hirap kapag nakikita silang nasasaktan o nahihirapan dulot ng sakit.
Tapos mag-isa ka. Mag-isang sumasalo ng sakit at nagpapalakas ng loob niya kahit nahihirapan ka rin.
Ganito pala maging ina.
Kailangan selfless ka.
Yung puro anak lang ang mahalaga.
Yung puro sila lang at kadalasan walang ikaw.
Mahirap pero masarap.
Lalo na kapag sa mga panahong down na down ka at nakita ng anak mo na parang may problema ka, ibabalik niya sa'yo lahat ng paglalambing at pagmamahal na ginawa mo sa kaniya. Nakakataba ng puso na yung isang maliit na tao, naturuan mo kung paano magmahal at sa'yo niya ito unang ipinaparamdam.
Salamat anak.
Huwag ka sanang magsawa at magbago sa pagtanda mo.

Comments
Post a Comment